Kalimutan na lang?

Hulyo 8, 2022

Maraming nangyari nitong mga nakaraang linggo. Pinakamalaki, syempre, ang pagpapalit ng administrasyon. May bago na tayong pinuno. Isang bagong administrasyon, isang bagong kabanata sa kasaysayan ng ating bayan (huwag muna natin busisiin ang salitang “kasaysayan” sa ngayon).

Maraming maaring pag-usapan tungkol sa kapapasok na administrasyon. Katanggap-tanggap na lehitimo ang bilangan – 31 milyon ang bumoto, wala namang patunay na may dayaan. Pero mas kalunos-lunos yata na ganito ang bilang kahit walang dayaan. Ibig sabihin, maraming nakumbinsi, maraming iba ang pananaw, maraming piniling laktawan ang mapait na nakaraan at mag-move on na lamang. Pagkatapos, dagsa ang suliranin ng bansa na nangangailangan ng sabay-sabay na tutok, kung hindi man ito “oxymoron” o kontradiksyon. Ekonomiya, presyo ng bilihin, kahirapan, kakulangan sa pagkain, COVID-19, edukasyon. Marami pa.

Pero sa paglipat ng pahina, sa pagbaba sa pwesto ng Pangulong Duterte, at sa pagbabalik nya sa katahimikan ng pribadong buhay, dapat din bang manahimik na rin tayo tungkol sa mga isyung minsan nating kinapootan at tinangkang ungkatin?

Malinaw na hindi.

Dalawang usapin ang nagingibabaw. Una, ang mga tinaguriang “nanlaban.” Nadyan syempre ang imbestigasyon ng International Criminal Court, pero gaano kabilis ang pag-usad nito kung talagang uusad man? Anong klaseng kooperasyon ang ibibigay ng kasalukuyan liderato gayong kaalyado ito ng pamahalaang Duterte? Paano ipapaliwanag ang malawak na puwang sa opisyal na bilang ng mga namatay ng Philippine National Police (higit 6,000) at ng ibang human rights groups (halos 30,000)?

Inimbestigahan rin ng forensic pathologist na si Dr. Raquel Fortun ang labi ng 46 na “nanlaban.” Inalis na ang mga labi sa mga apartment-style na libingan dahil wala nang kakayanan ang mga pamilyang muling bayaran ang kanilang himlayan. Pagkatapos humingi ng permiso sa mga pamilya, dinala ang mga labi sa UP-PGH para suriin – at doon napatunayan: Kabilang sila sa mga “poorest of the poor.” At ang kanilang mga death certificate – pirmado ng mga doktor na itinalaga ng PNP at National Bureau of Investigation – palsipikado. Death by natural causes daw, tulad ng sepsis, acute myocardial infarction o heart attack, pneumonia, stroke at hypertension, samantalang may mga tama ng bala sa ulo at katawan?

Anong klaseng mga doktor ito? First, do no harm nga ba talaga? At kung ganito ang resulta sa 46 na indibidwal, paano pa kaya ang libo-libo pang namatay? Humiyaw man ng hustisya ang kanilang mga mahal sa buhay, may kahihinatnan ba ito at may makikinig man lang ba sa kanila?

Pangalawa, ang Pharmally.

Maraming sumubaybay dito dahil napapanood sa TV at sa Internet ang mga pagdinig. Pharmally Pharmaceutical Corporation ang pangalan ng kompanyang nabiyayaan ng tinatayang P10 bilyong kontrata sa gobyerno sa pagtugon nito sa pandemya noong 2020-2021. Ang nakapagtataka, maliit ang kapital ng Pharmally – P625,000 – noong itinayo ang kompanya. Ang mga kontrata ay nagbigay daan sa mga mababang kalidad na gamit kontra COVID, sa napakatataas na unit price.

Marami pang ibang iregularidad at pantastikong kwento.

Napag-alaman na ang mga opisyal na pumirma at nag-apruba ng mga kontrata ay malalapit sa Pangulong Duterte. Ang mga personalidad sa likod ng Pharmally ay may koneksyon din sa nagdaang administrasyon – sa katunayan, isang Michael Yang ang naging tagapayo pa ni Pangulong Duterte ilang taon na ang nakaraan.

Samantala, maraming Pilipino ang nagkasakit, namatay, nawalan ng kabuhayan at nasadlak sa kahirapan dahil sa pandemya.

Inirekomenda ng Senate Blue Ribbon Committee na sampahan ng kaso si Duterte dahil hindi nito pinanagot ang kanyang mga opisyal at iba pang negosyanteng kasama sa scam. Ipinanukala ring kasuhan sina Yang, dating Undersecretary Lloyd Christopher Lao, Secretary Francisco Duque at ilan pa ng plunder at graft. Nagsumamo si Blue Ribbon Committee Chairman Richard Gordon sa kanyang mga kasamahan na tuldokan ang isyu at ayunan ang mga rekomendasyon.

Pero sa ulat ng media noong Hunyo 1, siyam na committee members pa lang ang pumipirma sa draft report samantalang sina Senador Sonny Angara, Grace Poe, Cynthia Villar, Sherwin Gatchalian, Lito Lapid, Pia Cayetano, Bong Go, Ramon Revilla Jr., Imee Marcos, Francis Tolentino at Migz Zubiri ay hindi pa rin nagdedesisyon.

Isang buwan at isang linggo na ang nakalipas. Tapos na ang Kongresong iyon. Tulad ng nabanggit kanina, bagong kabanata na.

Kanino natin igigiit na hindi maling-maling kalimutan na lang ang mga bagay na ito? Paano natin pipigilan ang paglaho ng alaala ng kawalan ng hustisya, kakapalan ng mukha, kaaangasan ng kapangyarihan? Ganoon na lang ba? Tulad ng iba pang mapait na kwento ng nakaraan, move on move on na lang?

Marami pang ibang hindi dapat kalimutan. Maging mapagmatyag sana lalo ngayong mga panahong ito. Mamamahayag man, blogger o vlogger, estudyante, propesyunal, negosyante, manggagawa, kahit sinong ordinaryong mamamayan. Pilit nilang nilulunod ang mga lehitimong tanong at kritisismo, at ginawagang simplistiko ang usapan sa pagsasabing ang sino mang mangahas ay agad-agad na kalaban ng estado at kailangang supilin. Kinukuyog sa Internet ang mga hindi sumusunod sa mentalidad ng karamihan.

Ilang ulit na tayong ipinahamak at inilugmok ng “kalimot.” Kaya’t mangahas pa rin. Magtanong pa rin. Hanggang may makulitan at tumugon. Hanggang dumami ang mauhaw para sa mga sagot. Hanggang mapagtanto ng karamihan na kailangang managot ng mga nagpapanggap. Wala nang ibang paraan.

adellechua@gmail.com



Previous
Previous

School of second chances signs off

Next
Next

Going off-script