SONA all
ika-22 ng Hulyo 2022
Sa Lunes, maririnig na natin ang unang State of the Nation Address ng pangulo. At tulad ng mga nagdaang taon sa nagdaang mga presidente, maraming aspeto ng talumpati ang inaabangan ng mamamayan, ngayon pa lang.
Nariyang busisiin ang isusuot na barong ni Sir at ang gown ni Ma’am, at ng marami pang “VIP” na dadalo nang face-to-face sa okasyon sa Batasan. Sino ang designer? Ano ang materyal? Magkano kaya? Bagay ba sa kanila?
Marami ding nag-aabang kung anong value added ang ibibigay ng direktor – inaanak ng pangulo – sa buong produksyon. Matitinong anggulo ba ang makikita? Kanino ba dapat itutok ang camera? Sino-sinong malalaking personalidad kaya ang magpapakita, at may mang-aagaw kaya ng eksena?
Marami ring magaganap sa labas ng House of Representatives. Laman na ng balita ang samu’t saring paghahanda ng iba’t ibang grupong magsasagawa ng rally at martsa para ihayag ang kanilang saloobin. May mga effigy na handa nang sunugin. Umulan man o umaraw, handa silang ituloy ang protesta. May mga magbibigay ng alternatibong SONA. May mga pulis nang naitalaga para siguruhing walang kaguluhang mangyayari. May mga plano na rin sa mga ruta ng sasakyan.
Para sa mga hindi pa rin matanggap ang pagkapanalo ng anak ng magnanakaw at diktador, maaring maging mahirap – masaklap pa nga -- sa kanila na manood o makinig man lang sa SONA. Pero ito ang ibig sabihin ng demokrasya, ng malayang halalan, ng pasya ng nakararami. Kaya heto tayo ngayon.
Samantala, ang pinakaakmang tutok ay sa kung ano ang sasabihin – at hindi sasabihin – ng pangulo.
Sana naman ay nagamit nang mabuti ang talino ng mga policy experts, researchers, fact-checkers at speechwriters ng burukrasya. Pero sana rin, lumutang ang mga sariling ideya, kaalaman, at galing ng nagsasalitang pinuno, kung tunay ngang may ganito. Inaasahan nating babanggitin nya ang mga pinakamalaking isyu na kinakaharap natin ngayon – krisis sa pagkain, pagtaas ng presyo, pandemya, kalidad ng edukasyon lalo na sa muling pagbubukas ng klase, kompiyansa ng mga mamumuhunan, pampublikong transportasyon, aksyon laban sa korupsyon, karapatang pantao, at iba pa. Inaasahan nating mapakinggan ang tunay na State of the Nation at hindi ang kung ano mang puff piece o propaganda. Alam na alam – damang-dama -- naman natin ang mga hamon sa ating bansa at sa mga naghihikahos na Pilipino.
Pero bukod sa tunay na estado, inaasahan din ng mamamayan na marinig ang mga plano. Hindi ito mga pangakong karaniwang naririnig sa kampanya. Bagkus ito ay mga planong dala ng malalim at komprehensibong pag-unawa sa tunay na sitwasyon, at mga konkretong hakbang na napagdesisyunan gamit ang datos bilang pundasyon. Iwasan nating magpadala sa mga feel-good statements at motherhood pronouncements. Ilang beses na tayong nadale ng mga ganyan.
May ilang bagay na gusto ko sanang marinig mula sa bibig mismo ng bago nating pinuno sa una nyang malakihang talumpati.
Una, sana himukin nya ang lahat na pumanig sa katotohanan. Kung mailap man ito, himukin ding huwag magsawa sa pagsasaliksik sa kung ano ang tunay – hindi lang kung ano ang maganda, o magandang pakinggan.
Pangalawa, ipaalala nya sana sa kanyang nasasakupan, at iyon ay lahat tayo, na bigyan ng kaukulang respeto ang mga aral ng kasaysayan. Ipakita na walang silbi ang pag-uulit ng mga kinabisadong linya. Himukin ang mga tao na mag-isip nang kritikal at para sa sarili. Na maling-mali na sasang-ayon ka sa isang tao dahil lang kakampi mo sya, at yuyurakan mo ang isa dahil lang iba ang sinasabi nya, o pakiramdam mo, mas magaling sya sa iyo.
Ikatlo, siya mismo sana ang maunang magbukas ng sarili sa hamong kwestiyunin, kontrahin, pulaan, at bigyan sya ng suhestiyon. Magandang-maganda sanang marinig sa magtatalumpati na tinatanggap nyang mayroon syang mga kritiko – at hindi sila awtomatikong mga kalaban ng estado. Sabihin nya sana, panatiihin ang malayang pamamahayag at huwag gipitin ang sinumang nangangahas pumuna sa maling palakad at gawi ng mga nasa kapangyarihan.
Tunog imposible ba? Kaya nga tinadtad ko na ng salitang “sana.”
Malaki ang mandato ni Ginoong Marcos. Nitong una nyang SONA, sana ay bigyan nya ng saysay at huwag nyang waldasin ang mandatong ito.