Pag-Ibig sa Mga Aklat
published August 17, 2022
Ang pagbabawal sa mga libro ay tatak ng kahinaan ng loob at pangangatog ng tuhod ng mga taong ayaw mapuna at mapulaan.
Sayang, malalaki na ang mga anak ko. Noong nasa elementarya at high school pa sila, kapag ganitong magpapasukan, ako ang pinaka-excited sa gabundok na libro at notebook na kailangang lagyan ng plastic cover. Tawag ko nga sa sarili ko noon, Master Wrapper.
Paborito kong gawain ito – kahit na hindi pa uso noon ang nakarolyong plastic na pre-cut ayon sa karaniwang taas ng isang workbook o textbook. Dati, inilalatag ko pa sa kama o sa bagong-walis-at-lampasong sahig ang bagong-biling plastic, sabay lagay ng anim o siyam o labindalawang libro, hiwa-hiwalay, sa ibabaw nito. Maganda sana kung pantay ang pagkakagupit, at ang bawat putol ay saktong 1.5 pulgada ang lagpas sa gilid ng libro.
May proseso na rin ako noon: Putol muna, tapos tupi sa gitna, tapos mula sa tupi, uka ng parihaba sa itaas at ibabang bahagi ng plastic. Kapag lahat ng babalutin ay napaglaanan na ng plastic, maari na akong maupo sa mesa at, habang nanonood ng TV, armado ng tape dispenser, isa isa nang babalutin ang mga aklat.
Nakakalma ako sa pagbabalot.
Dapat, hindi masyadong maluwag, pero hindi rin dapat hapit na hapit. Kailangan makapal na klase ang plastic. Tandaan, ang mga aklat na ito ay ilang beses bubuksan, isasara, susulatan, bibitbitin, madaliang isusuksok sa bag, mauulanan, at minsan, malilimutan sa kung saan – ‘yung isang anak ko, di ko na ibubuko kung sino, kabibili lang ng isang set ng libro na pinagpatong-patong at saka itinali pa ng straw sa eskuwelahan, nagutom at kumain ng lumpiang toge sa kanto, nasarapan, nabusog, umuwi at saka lang naalala ang kawawang mga aklat na naiwan sa togehan. Mabuti na lang itinabi agad ng tindera.
Kailangan proteksyunang mabuti ang mga aklat. At sa paglipas ng mga taon, hindi lang pala pagbabalot ng plastic ang ibig sabihin nito.
Kayamanan
Siyempre pa, hindi lang mga libro sa paaralan ang laman ng bahay namin. Pakiramdam ko, mayamang-mayaman na ako kapag nagpupunta ako sa bookstore at nabibili ko kahit anong libro na gusto ko. Kung ang iba, kailangang magkabahay, sasakyan, alahas, o magbakasyon sa maraming bansa bilang tanda ng tagumpay, para sa akin, made na ako kapag nakapasok ako sa bookstore na kayang bilhin alinman ang maibigan. Bonus na kung puwede kong sabihin sa kung sinong anak na kasama ko: “Kahit anong gusto mo, go!”
Yung pagpasok mo sa Booksale o Fully Booked, amoy pa lang binabati ka na. ‘Yung hindi ka na magkakalkula sa isip mo kung sapat ba ang pera mo. ‘Yung hindi ka na dadampot ng lahat ng gusto mo sanang bilhin, pero gagamit ka ng elimination method papalapit sa counter hanggang isa na lang ang hawak mo, dahil ‘yun lang naman ang kaya mong bayaran.
Naaalala ko kasi noong maliit pa ako at bumubuntot ako sa nanay ko (reporter siya) sa pagbiyahe niya mula bahay hanggang beat hanggang opisina ng diyaryo noong mga panahong wala pang internet, parang gantimpala ko na ang P100 na ibinibigay niya sa akin bago kami sumakay ng bus pauwi. Puwede ko lang gastusin – ubusin! – ang P100 sa National Bookstore. Hirap na hirap ako sa pagpili at pag-budget. Ang dami ko pa sanang gustong kunin na hindi na kasya sa isandaan.
Kapag uuwi na kami at medyo malungkot ako dahil may mga naiwan akong hindi nabili, sasabihin sa akin ni Mommy, “Ayos lang ‘yan, hindi mo naman sila agad mababasa lahat.”
Alikabok
Totoo naman ito hanggang ngayon. Marami pa akong libro na hindi pa nababasa. Dumarami pa nga kumpara sa bilang ng mga librong natapos ko na. Nasa kanya-kanyang shelf lang sila, karamihan nakabalot ng plastic pero naaalikabukan pa rin kaya minsan mahirap na ring buksan man lang. Sama-sama na ang fiction at non-fiction, mga pinagbibili ko sa mga book fair, mga ibinigay sa akin ng mga kaibigan, mga inorder ko online at ‘yung mga ginagamit kong gabay sa pagtuturo at pagsusulat.
Sa tingin ko halos kalahati ng lahat ng libro ko, hindi ko pa nababasa sa kabuuan.
Noong una, pakiramdam ko impostor ako dahil dito. Naghahakot nga ba ng libro para ipang-display kapag may bisita o ipang-background sa Zoom para sabihing aral or intelektuwal? Pero wala naman kaming maraming bisita at hindi kaya ng computer ko ang gumamit ng background sa Zoom. Alam kong wala akong bahid ng pagpapanggap. Lahat naman ng librong pag-aari ko, pinagdesisyunan kong bilhin dahil gusto ko talagang basahin. Babasahin ko rin naman sila di kalaunan. Nagsisikap nga akong paglaanan ng regular na oras ang pagbabasa gaano man kasikip ang schedule sa maghapon. Ayoko nang hintayin ang retirement bago ko simulan ito – tiyak na tiyak, mauubusan ako ng oras.
Kunsabagay, may ibang sayang dulot ang nga librong hindi pa nababasa ngunit nariyan lang. Hitik na hitik sa pangako. Parang mga kaibigang may inipong kuwento para lang sa ‘yo, naghihintay lang na umupo ka at pakinggan sila.
‘Subersibo’
Sino ba ang mag-aakala na sa ganitong panahon, mayroon pa ring matitigas ang mukhang nagtatangkang pumigil sa malayang pagpapahayag? Noong Oktubre 2021, naglabas ng memorandum ang Cordillera office ng Commission on Higher Education na nag-uutos sa mga institusyong sakop nito na alisin ang mga “subersibong” materyal sa kanilang mga silid-aklatan.
“Left unprocessed and unguarded,” saad ng memo, “these materials may radicalize the mind….It is our moral consciousness not to allow our youth to be engrained with peace-detrimental ideologies that could turn them as subversive and become communist-terrorist. It is a public knowledge that these materials are also used in the infiltration and recruitment of students in our respective institutions.”
Kaya pa?
Nito lang nakaraang linggo, nagdesisyon ang Komisyon sa Wikang Filipino na itigil ang paglilimbag at pamamahagi ng limang aklat na may tekstong laban daw sa gobyerno, at maaaring tingnan bilang “inciting to terrorism.”
“Kagyat na iniaatas ang tuluyang pagpapatigil sa lahat ng aklat na may nilalamang politikal, subersibo, at mga malikhaing akdang may subliminal na ideolohiyang nanghihimok at/o nakapag-uudyok na labanan ang pamahalaan at sa lahat ng kauring tekstong inilimbag at/o ililimbag kasama ang nasa imprenta o pangangalaga ng yunit ng publikasyon ng Komisyon.”
Ang galing naman nila, kahit mga subliminal na mensahe, bubusisiin at hahabulin pa nila!
Nalipasan na ng panahon ang mga tagapagbawal ng mga aklat. Hindi maganda ang papel sa kasaysayan – hindi tsismis! – ng mga nag-uutos na magsunog ng mga libro at mga sumisigaw ng “subersibo!”
Tatak lang ito ng kahinaan ng loob at pangangatog ng tuhod ng mga taong ayaw mapuna at mapulaan. Bakit hindi hayaang ilimbag at basahin ang kahit anong maisip ng mga manunulat, at mula dito ay pagdiskursuhan ang tama at mali at pagkakaakma nito sa ating lipunan? Bakit kailangang supilin hindi lang ang pamamahayag kung hindi ang pag-iisip, kung ang kalalabasan naman nito ay ang kritikal na pag-iisip ng mamamayan, masiglang palitan ng opinyong batay sa katotohanan, at mas makabuluhang ambag sa demokrasya.
Oo nga pala, ayaw nila tayong pumuna at magmungkahi at maningil. Dapat daw, unity lang.
Paano tayo tutugon sa ganitong hamon? Dagdagan pa natin ang mga aklat sa ating mga estante – oo, kahit hindi pa natin ito agad mababasa. Palawigin pa ang mga babasahing pisikal at online. Himukin ang kabataan na magbasa at huwag umasa sa TikTok at YouTube.
Allergy lang sa alikabok dapat ang pipigil sa atin sa paghawak sa mga aklat – at madaling-madali namang remedyuhan ito – hindi ang takot na makabasa ng kaisipang bago sa atin, makahanap ng mga ibang pananaw, mapalawak ang kaalaman at pag-unawa sa daigdig at kapwa, at mapaunlad ang sarili at bayan.
Sa pagprotekta natin sa mga aklat, pinoprotektahan din natin ang ating kamalayan. – Rappler.com
Adelle Chua is Assistant Professor of Journalism at the UP College of Mass Communication. She was an opinion writer and editor for Manila Standard for 15 years. Her past and current work can be found on www.adellechua.com. She may be reached at adellechua@gmail.com.