Ang sorpresa ni Merlie

June 30, 2008

Noong isang linggo lang ay namrublema ako kung kakayanin ko bang mag-isa ang pagpapatakbo ng tahanan namin kung hindi na bumalik ang aming kasambahay na si Merlie. Di kasi siya nakapasok ng dalawang araw at ni wala akong ideya kung ano ang nagyari sa kanya.

Bumalik din naman sya dala ang isang pakiusap. Maari daw bang mag-stay in sya sa amin? Ang nakagawian kasi, papasok sya bandang alas siete y media ng unaga tapos uuwi bandang alas-otso ng gabi. Gusto kasi naming mag-iina, kami-kami lang sana sa bahay.

Pero sabi ni Merlie ay iniwan na nya ang kanyang tatlong-taong gulang na anak sa kanyang tiyahin sa Kalookan para sya makapagtrabaho nang maayos. Ano ang sabi ng asawa mo, tanong ko sa kanya. Sya naman ay nagbuntong-hininga. "Ay, wala iyon," aniya. "Pag sinabihan mo ngang bumili ng isang kilong bigas ni hindi makapag-uwi..."

Hindi naging mahirap sa aking pumayag sa kanyang hiling. Alam na alam ko ang pakiramdam ng pangangailangan lalo na kung ang taong dapat na katuwang mo ay hindi mo rin naman makatulong. Isa pa, pabor ito sa akin, dahil mas dadali ang trabaho ko sa umaga. May assistant na akong tagaluto ng almusal at tagahanda ng mga damit ng mga bata. Sa gayon makakagawa ako ng mas importanteng bagay katulad ng pagtulong kay Sophia sa mga assignment niyang hindi natapos o di kaya'y simpleng pakikipag kuwentuhan sa mga bata para malaman kung anu-ano ang mga gagawin nila noong araw na iyon. Sa gabi naman, pag-uwi ko galing sa trabaho, mayroon nang nagtatanong sa akin kung gusto ko nang kumain. Nagtatanong lang naman, dahil kadalasan, mas lamang ang pagod ng isip sa pag-eedit at pagsusulat at ng katawan sa biyahe kaysa kalam ng sikmura.

Di pa pala doon nagtatapos ang mga sorpresa ng aming kasambahay. Noong Biyernes ng gabi ay masaya akong umuwi dahil weekend na, at tulad ng dati, marami akong naiisip na gawin upang gantimpalaan ang sarili ko para sa sanlinggong pagkayod nang mabuti. Nakahap ako ng mga web site kung saan maaring mag-download ng mga akdang matagal ko nang gustong basahin. May pito o walong bagong DVD rin akong napili mula sa suki kong si Kuya Rudin. Bukod pa rito, walang pasok kinabukasan. Natatangi ang mga Sabado para sa akin dahil sa arw na ito, wala akong kailangang tapusin. Lahat ng ginagawa ko, ginagawa ko dahil gusto ko.

Pero pag-uwi ko ng bahay, nanduon si Andy, ang anak ni Merlie.

Maaga ko silang pinauwi kinabukasan. Gusto ko nang umpisahan ang aking pag-iisa. Hindi ko rin maintindihan ang pelikulang pinapanood ko o makapag-focus sa sanaysay na sinusulat ko habang may batang patakbu-takbo sa munti naming sala. Mahilig din niyang ihampas ang kanyang maliit na katawan sa aming sofa. Ani Merlie, hinatid raw ng tiyuhin nya ang bata dahil ang tiyahin nyang pinag-iwanan dito ay kailangang umuwi ng probinsya. Pag-alis ng mag-ina, nagsimula ang maluwalhati kong weekend. Marami akong nagawa. Nanood ako ng dalawang pelikula. Nagpahilot ng likod. Nagpa-foot spa. Kumain ng sushi kasama si Joshua. Nagsulat. Natulog. Nangarap. Namasyal kasama si Sophia. Ang sarap ng pakiramdam pag marami kang nagawa.

Laking gulat ko nitong umaga ng Lunes nang dumating si Merlie kasamang muli si Andy. At si Andy, hindi na masyadong nahihiya. Mas makislot, mas galawgaw, mas madaldal na sya.

Sabi ni Merlie ay tinanggihan na raw ng kanyang tyahin na alagaan ang bata dahil sa sobrang kalikutan nito. Kaya tinanong ako ng aking kasambahay kung ok lang daw ba na nandoon silang mag-ina. Ang ama raw ng bata ay madaling uminit ang uko at mabilis magbuhat ng kamay. Kung ayaw ko naman daw na may kasama siyang bata ay wala syang magagwa kung aalisin ko sya sa trabaho.

Ang totoo, ayoko talaga nang may ibang tao sa bahay. Kahit pa bata. Lalo na bata. Yung mga sarili kong anak na nga lang, nahihirapan na akong ilagay sa lugar. Naririndi ako sa tila-walang katapusang inggitan, iringan, selosan, iyakan, kalatan, at minsan pa, sakitan. At least, anak ko pa ang mga iyon. Pwede kong disiplinahin sa pamamaraang tama sa paningin ko. Wala akong pinangingimihan.

Pero ngayong araw, dumagdag si Andy. Hindi na talaga siya nahihiya. Lahat ng gamit pinapakialaman. Yung bag ni Elmo, binubuksan. Yung mga baon, gustong kainin. Yung katawan nya, hinahampas nya sa sofa. Nag-aaway na sila ni Elmo. Yung mesa ko, ginagalaw. Sumisigaw. Tumatawa. Maingay. At naiinis ako.

Dapat bang ikahiya ang ganitong pakiramdam? Parang mali. Parang makasarili. Parang mayabang. Dapat naiintindihan ko ang kalagayan ng aking kasambahay. Alam na alam ko na walang pinaka mapayapang pakiramdam sa mundo kaysa sa kaalaman na kasama mo ang anak mo sa lahat ng pagkakataon, kahit mahirap pa iyon. Naawa rin ako sa bata. Madali nga raw manakit ang kanyang ama. Sino ako para tanggihang bigyan ng bubong na tutuluyan ang isang paslit at ang kanyang inang marahil ay walang sapat na lakas para ipagtanggol sya?

Pero iba ang dapat sa aktuwal na nararamdaman. Di rin makakatulong kung pipigilan ko ang mga damdaming ito. Ang totoo, napaka pribado kong tao. Gusto ko ng tahimik, maayos, ayoko ng sorpresa, ingay, away. Gusto ko, kami-kami lang. Di naman kami mayaman. Di pa nga sapat ang kinikita ko para sa amin.

Kaya ngayon, mayroon akong dilema. Mas gugustuhin ko bang magkatuwang sa mga gawaing bahay nang sa gayon mas may oras ako para sa mga mas mahahalagang bagay? O mas sagrado ba ang pag-iisa, mas mahalaga na kaya kong malugmok muli sa paghuhugas paglalaba paglilinis at iba pa? Saan din naman pumapasok ang pagka sensitibo sa pangangailangan ng iba? Paano na ang panalangin kong maging isang mabuting tao sa kabila ng mga pagkakamali ko...?

Unang araw pa lang. May bukas pa, at susunod, at susunod, at pagkatapos nun, sa isang linggo, ganito uli. Paano ako magsisimulang tumulong sa iba gayong hindi pa ako buo? Nawala na naman ako sa aking equilibrium. Kaya mainit ang ulo ko.

Sana makabalik ako sa gitna. At gawin ang tama. At maging masaya sa paggawa nito.

Next
Next

Mommy Spaghetti