Mommy Spaghetti

Agosto 5 2023

Naglambing sina Josh at Sophie na magluto daw ako ng Mommy Spaghetti para sa hapunan namin ngayong Sabado. Paborito nila itong recipe na ito na madalas kong gawin nung maliliit pa sila. Gusto ko rin itong ginagawa noon: mura kasi, mabilis, malasa. 

Simpleng simple ang Mommy Spaghetti at malayo sa mga aglio olio o iba pang tunog-sosyalin na sauce na ginagawa namin nitong mga huling taon. Ang Mommy Spaghetti kasi, may sahog lang na Purefoods corned beef at TJ hotdog, Hunts o Del Monte spaghetti sauce (noong huli ay pwede na rin ang Clara Ole kahit medyo mas mahal). Dahil maasim ang sauce sa panlasa namin noon, binubudburan ko ito ng pito, walo, sampung kutsarita ng tercera klaseng asukal. (Pero ngayon, kailangan nang mag-substitute ng Equal o coco sugar para sa simpleng asukal. Diabetic na kasi.)

Knorr chicken cubes, kaunting paminta. 

Voila! Sapat na itong recipe at masarap na lalo na kung lalagyan ng ginayat na Eden cheese o Ques-o. Pero kung may okasyon, halimbawa ay pasko o kaarawan ng isa sa kanila, lalagyan ko ng kaunting pakulo sa ibabaw: minicrowave na pinaghalong Nestle cream at cream cheese. Lakas maka-level up ng mga puting bilog o di kaya'y guhit. Isipin mo, puting noodles, pinatungan ng bright orange na sauce, na pinatungan ng puti at makremang "special ingredient." 

Hindi pa tapos! Ilalagay ito sa foil at iinitin nang ilang minuto sa toaster oven. Pag nag-ting na ang oven, maglalapitan na ang mga bata sa mesa, gutom at nakangiti, naakit ng amoy ng Mommy Spaghetti. 

At aling pasta ang walang kapartner na tinapay sa hapag ng Pinoy? Bentang benta sa kanila ang Bread Pan, yung kulay green -- maliliit na garlic toast na nakapakete na parang chichirya. 

Laging masarap ang kain ng mga bata kapag Mommy Spaghetti ang nakahain sa mesa. Sayang -- wala si Bea, nakabukod na sya ng bahay at may hapunan sya kasama ng ilang kaibigan. Ang bunsong si Elmo naman, nasa dorm sa kabilang dulo ng Metro Manila, naghahanda diumano para sa darating nyang final exam. Inisip kong ipagbalot sya at ipa-Grab…pero mas masarap ang Mommy Spaghetti kapag bagong luto at sa hapag kinakain. Uulitin ko na lang siguro kapag kumpleto sila. 

Ang saya pa rin gumawa ng Mommy Spaghetti paminsan-minsan  pagkatapos ng maraming taon. Marami nang nagbago, pero ang mga bagay na mahalaga, nag-iiba man ng anyo, nananatili.


Previous
Previous

Ang sorpresa ni Merlie

Next
Next

Mangahas tayong humugot