Batang Batibot
Hunyo 17, 2008
Matutukoy mo ang edad ng isang tao mula sa mga palabas, pelikula at musikang alam nya.
Halimbawa, kung kilala mo si Pong Pagong, Kiko Matsing, Kuya Bodjie at Ate Sienna, Madam Bola at ang magkapatid na Ningning at GingGing, malamang magkapanahunan tayo.
Malamang batang Batibot ka rin.
Mga anim o pitong taong gulang ako nang unang ipinakilala ang palabas na ito na likha ng Philippine Children's Television Foundation. Bago to, wala akong ibang maalalang palabas kundi Sesame Street kung saan pinoproblema ni Bert na hirap syang makatulog at pinapayuhan sya ni Ernie na magbilang ng kung anu ano para lang dalawin ng antok. Di kaya naman si Count Dracula na kinukulugan tuwing tumutumpak ang pagbilang sya sa mga bagay-bagay. Syempre pa, sobrang laki ni Big Bird. Natatakot ako nun kay Big Bird. Naalala ko ring binilhan pa ng nanay ko ng long playing album ng Sesame Street. Di ko naman mapakinggan parati dahil nababaduyan dito ang tiyuhin kong may-ari ng stereo.
Pero nang dumating ang Batibot, hindi ko kinailanagan ng plaka para lang matutunan ang mga kanta nila. Saulado ko ang mga iyon – ang opening song (Pagmulat ng mata...laging nakatawa...), si Puti (ang bakang mataba at maputi), Batis (may malinaw na tubig)at ang Lima Ang Daliri Sa Aking Kamay na hanggang nagkaanak ako ay ginagamit kong panghele sa sanggol.
Tulad ko, maraming bata ang nahumaling sa Batibot. Laging bago ang episode na inilalabas tuwing hapon, na siya namang nire-replay sa susunod na umaga. Swak na swak ito sa karamihan sa amin dahil ito ay nasa Pilipino. Para sa ating lumaking hindi naman Ingles ang kinagisnang salitaan sa loob ng bahay, malaking puntos ito.
At kung mayroong Big Bird ang Sesame Street, meron namang Pong Pagong ang Kalye Batibot.
Paborito ko si Pong. Kahit na hindi minsang gumalaw ang kanyang bibig kahit ang dami na nyang sinasabi, kahit na waring paralisado ang isa nyang kamay at pirmi lang nakatiklop at nakapatong sa kanyang sikmura, at kahit na pagewang-gewang sya kung maglakad, hindi ako takot sa kanya. Sa katunayan, tuwang tuwa ako sa boses nya at sa pagsiwalat nya ng “Weeeee” sa kahit anong munting bagay na nakapagpasaya sa kanya. Pilit ko ngang ginagaya ang boses ni Pong para sa mga nakababata kong kapatid.
Di kalaunan, lumaki ako at nagdalaga at hindi ko na nasundan pa kung ano ang nangyari sa mga karakter sa Batibot. Nag-iba ang hilig ko sa mga palabas. Ano naman ang silbi sa isang teenager ng isang programang pambata tulad nito? Kunsabagay, halos pahapyaw lang din ang pagdadalaga ko. Para lang ding isang kisapmata. Sa edad na labing-walo, nag-asawa ako at nagkaanak. Pagtuntong ko ng ikaapat na taon ng kolehiyo, dalawa na ang anak ko.
Kahit noon, mahirap ang buhay.
At syang kagulat gulat na ang creative director pala ng Batibot ay malapit na kaibigan ng dati kong guro sa Filipino, na siya namang nagbibigay sa aking ng minsang sideline sa mga textbook na sinusulat nilang mag-asawa.
Rene Villanueva ang pangalan ng creative director na ito. Isa siyang kilalang manunulat ng mga kuwentong pambata at ilang sanaysay at dula sa Pilipino. Madaling kausap si Sir Rene – aniya, nagpasya syang paniwalaan ang kanyang kaibigan na nagsabing ako raw ay mahusay at masipag (Ehem!). Hindi raw siya ipapahamak ng kanyang kaibigan lalo na sa larangan ng panulat. Sa gayon, wala nang interview-interview o exam-exam akong dinaanan, at ako, dadalawampung taong gulang, di pa man tapos ng kolehiyo, ay nagkaroon na ng trabaho.
Napapasyal ako sa set sa Saint John Street sa Cubao paminsan minsan kapag inihahatid ko ang mga script kong ginawa na pawang typewritten. Makinilya pa lang noon at hindi pa uso ang Internet o E-mail. Mga taong 1996 ito. Sa makabagong Batibot, Hindi na gaanong lumalabas ang mga karakter kong kinagisnan. Mas marami na ang batuhan ng salita ng mga puppet (ang ginagawa ko ngang script ay para sa kanila), iba't ibang child talents, pati na rin mga tampok na lugar sa Pilipinas.
At dahil ang Batibot para sa akin naging isang “raket” na isinasabay ko sa pagiging estudyante, asawa at batang ina, ni wala akong panahon para mapanood ang kahit isang episode kung saan binabanggit ang mga linya kong sinulat. Alam ko lang na nagagamit ang mga iyon dahil tuloy ang pagdating ng mga tseke. Minsan, 2 thousand, minsan, one thousand five hundred. Malaking bagay na ang ganitong halaga nung mga panahong iyon. Pagkagaling na pagkagaling ko sa pag-eencash ng tseke ko sa bangko, tuloy ako sa grocery para ibili iyon ng diaper, gatas, at gara-garapon ng baby food. Para naman hindi nakakahiya sa mga biyenan ko. Sa kanila kami nakapisan at sila pa ang gumagastos para sa lahat ng pangangailangan namin noon.
Sabi naman ng kapitbahay namin, totoo nga palang nagtatrabaho ako sa Batibot dahil sa closing credits ng programa ay naroon ang pangalang “Adelle Chua” bilang isa sa mga writers.
Pagka graduate ko ng kolehiyo ay nakahanap ako ng isang full time na trabaho at napadalang nang napadalang ang pagsusulat ko ng mga script hanggang sa tuluyang tumigil na ako dito. Bukod sa trabaho, kailangan ko nang magbiyahe ng apat na oras sa isang araw dahil sa Makati ako namamsukan at sa Valenzuela ako nakatira.
Hindi ko na tuloy masabi kung kailan nawala sa ere ang Batibot.
Unti-unti rin ay sumikat ang cable tv kung saan dumami ang pagpipilian ng mga bata kung ano ang gusto nilang panoorin. Nariyan ang Cartoon Network, and Nickelodeon at Disney Channel. At hindi nila kailangan mag hintay ng takdang oras o ng replay. Naimbento ang katagang 24/7.
Si Sir Rene, nakapagtipon ng mga sanaysay nya sa isang librong tinawag na “Personal.” Ang ganda ng libro na ito. Nagniningning sa kanyang kasimplehan. Walang ere, walang arte. Balak ko sanang itanong sa dati kong guro kung nasaan na sya ngayon. Gusto kong ipa-autograph ang libro. Pero nalaman ko na lang, namatay na pala si Sir Rene. Kelan lang. Hay.
Dekada na ang binilang mula nang kasikatan ng Batibot. Lahat kaming naaliw dito ay pawang tumanda na. Pero manantili akong isang batang Batibot. Mapagpasalamat sa mga maliliit na bagay. Masayahin. Maliksi. Masigla. Pilipino.