Pilgrimage
Setyembre 14, 2008
Tuwing nagpupunta ako sa Chinese cemetery, hindi pwedeng hindi ako maligaw. Pag nahanap ko naman ang gula-gulanit nang mosoleo kung saan nakahimlay ang aking lolo, lola, ina, tiyuhin, kapatid at pinsan, nagtataka ako kung bakit sa tanda kong ito ay nawawala pa rin ako. Noong isang Sabado, ganun nga ulit ang nangyari.
Si Sophia lang ang kasama ko. Mabuti na lamang na maulap ang panahon (umulan noong umaga kaya'y hindi kami nakatulak agad, at tanghaling tapat na nang matapos akong magluto, maglaba at kumain bago makaalis.) Mabuti na lang din at nabalaan ko ang bata na malayu-layo ang lalakarin namin at paakyat ang daan mula sa gate ng sementeryo hanggang sa libingan ng pamilya Chua. Magiliw si Sophia at madaldal. Masaya kami kahit na humahangos na noong bandang huli.
Hindi ko maaring ipagpaliban ang pagbisita kong iyon sa aking mga kaanak, lalo na sa aking ina. Mahalaga ang balita kong dala: nahanap ko na ang ama ko, at lumabas na ang resulta ng DNA test na nagpapatunay dito. Alam ko na din ang kuwento (bersiyon) ng kanilang pagkikita. Maganda ang pakiramdam ko mula sa koloob-looban. Parang, lahat nga mahihirap na tanong ay nasagot na. Lahat ng susunod, kaya ko na.
Hitik ang katahimikan.
Pauwi, nabigla ako na napakadaling hanapin ang landas palabas ng gate. Sa tingin ko, sa susunod na pagdalaw ko sa sementeryo, hindi na ako mawawala.