Anak, magulang, batas, budhi
Oktubre 18, 2022
Dinakip noong isang linggo ang panganay na anak ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla na si Juanito Jose Remulla III. Tatlumpu’t-walong taon na si Juanito – “emancipated” na nga raw, sabi ng kanyang ama.
Ayon sa ulat, may ipinadalang shipment kay Juanito mula sa isang address sa San Diego, California. Dumating ang parcel, nakabalot ng bubble wrap, sa Central Mail Exchange Center ng Philippine Postal Service. Naghinala ang Bureau of Customs nang isalang ito sa x-ray. Kush nga ito, isang high-grade na uri ng marijuana, na nagkakahalaga ng P1.25 milyon. Inalerto ng Customs ang Philippine Drug Enforcement Agency, na noong Oktubre 11, sa pakikipag-ugnayan sa NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group, ay nagsagawa ng controlled delivery operation sa mismong bahay sa Las Pinas na nakasaad sa padala.
Si Juanito pa raw mismo ang tumanggap ng package at nagpakita pa ng driver’s license. Doon na sya hinuli ng PDEA.
Pumutok ang balita hindi noong mismong araw ng aresto. Dalawang araw pa ang lumipas bago kumpirmahin sa Twitter ni Cavite Governor Jonvic Remulla na si Juanito nga ay kanyang pamangkin at anak ng Kalihim. Si Secretary, pauwi pa lang mula sa Switzerland kung saan siya nagsalita sa United Nations Human Rights Commission.
“Trust that we know best what is good for our people,” sinabi niya sa kanyang talumpati sa Geneva, habang kinukumbinse ang UN na kinikilala sa ating bayan ang mga karapatang pantao.
Nangako rin sya: ”Real justice in real time.”
**
Pamilyar sa atin ang pangalang Remulla. Sikat sila lalo na sa Cavite. Hindi lang isa kundi maraming miyembro ng kanilang angkan ang nasa importanteng pwesto sa pamahalaan. Bukod kina Sec Boying at Gov Jonvic, nariyan rin si dating Rep. Gilbert Remulla na director ngayon ng Philippine Amusement and Gaming Corporation – sa katunayan, isa si Gilbert, dating mamamahayag, sa mga kinonsidera bilang press secretary ng administrasyong Marcos nito lamang Oktubre.
Pero angat talaga si Secretary. Matagal na siyang kampeon ng war on drugs ni dating Pangulong Duterte. Ilang taon na ang nakaraan, sinabi niyang pabor sya sa death penalty para sa mga drug dealers. Pamoso rin sya bilang red-tagger – inakusahan nyang komunista ang ilang mga dumalo sa campaign rally ni dating Bise Presidente Leni Robredo. Madaling hanapin sa internet ang kanyang mga interview kung saan walang preno ang kanyang pag-aakusa nang walang basehan.
Isa siya sa mga unang itinalaga ni Pangulong Marcos bilang kalihim. Ngayon, nasa kamay din nya ang kaso ni dating Senador Leila de Lima, na halos anim na taon nang nakapiit sa drug-related charges. Ilang testigo na ang umatras at nagsabing hindi totoo ang kanilang paratang kay De Lima, pero hanggang ngayon ay wala pang aksyon ang DOJ na isaalang-alang ang mga recantation na ito para umusad ang kaso.
Nakinabang agad si Juanito sa posisyon ng kanyang ama. Naka blur ang kanyang mukha sa kanyang mug shots, bawas kahihiyan sa pamilya. At ngayon, hindi daw relevant sa kasong hinaharap nya ang drug test, kaya hindi nya kailangang sumailalim dito.
Malakas din ang loob ng ama – amo ng mga piskal na magdidiin kay Juanito – na hindi magbitiw sa pwesto dahil hindi naman daw siya makikialam sa kaso ng anak. Sinegundahan pa ito ng pangulo, na nagsabing walang basehan ang mga tawag sa pagbibitiw. Dapat lang magbitiw ang isang opisyal kung hindi nya nagagawa ang trabaho nya o kung hindi sya umasta nang maayos sa kanyang posisyon.
**
Nasa lugar nga ba ang paghingi natin ng kaunting delicadeza mula sa Kalihim ng Katarungan?
Paulit ulit nang napag-uusapan kung dapat nga bang dalhin ng magulang (o anak) ang kasalanan ng anak (magulang). Pangunahing halimbawa na ang Pangulong Marcos, na dala ang bagahe ng pagiging anak ng kanyang ama.
Tunay ngang hindi naman natin napipili kung kaninong pamilya tayo ipinanganak. Wala siyang magagawa kung naging anak sya ng isang taong napatunayan ng mga korte na nagnakaw mula sa kaban ng bayan at nagpasimuno sa pagpapahirap at pagpatay sa mga kritiko at kalaban. Hindi ko ito gawa gawa – may mga desisyon patungkol dito.
Pero hindi doon nagtatapos ang usapin. Kung kinikilala nya ang kamaliang ito, hindi siya dapat nakinabang sa karangyaang dala ng kwestiyonableng yaman. Humingi sya dapat ng patawad sa mga nabiktima ng karahasan, at gawin ang lahat ng makakaya para makabawi sa kanila at maitama ang anumang natitirang maari pang itama.
Sa sitwasyon naman ng Kalihim, maalala nya sanang “katarungan” ang dala-dala nyang pangalan ng kanyang ahensya. Hindi man sya mismo ang kasangkot sa drug-related charges kay Juanito, ama sya ng isang taong nasasangkot sa isang isyung maigting nyang ipinaglalaban.
Hindi tayo dapat magpasalamat kay Secretary dahil sinabi niyang hindi sya makikialam sa kaso ng kanyang anak. Dapat lang na hindi siya makialam. Higit pa rito, karapat-dapat, lisanin nya ang kanyang pwesto para maayos na magawa ng mga awtoridad ang kanilang trabaho tungkol kay Juanito, nang walang takot o impluwensya mula sa kanya – may iutos man sya o wala. Hindi maaaring wala syang pakialam habang nakaupo sya sa pwesto. Ang impluwensya sa kanyang mga tauhan ay palaging nariyan.
Kunsabagay, wala namang nilalabag na batas kung tumakbo kang pangulo kahit may sala ang magulang mo. Wala ring batas na nagsasabing dapat kang magbitiw kung may nagawang masama ang isa mong kapamilya, kahit pa taliwas ito sa lahat ng sinabi mong ipinaglalaban mo. Bawat isang tao ay responsable lang sa sarili nyang mga desisyon.
Ang nalalabag ay mas mataas na uri ng batas, hindi nasusulat o naipapasa, kung hindi syang gumagabay sa bawat aspeto ng ating pagkatao: Ang simpleng konsepto ng tama o mali. Sa kasamaang palad, hindi pare-pareho ang bisa ng batas na ito sa bawat tao. Yung iba, alam na alam na ito ang dapat sundin. Para sa iba, mungkahi lang ito.
“Trust that we know best.” Depende kung sino ang nagbigkas ng mga salitang ito, nakakatakot. Nakakapangilabot.
adellechua@gmail.com