Mga kuwento ng pag-move on
Setyembre 27, 2022
Maraming “ganap” noong nakaraang linggo – paggunita sa ikalimampung taon ng pagdeklara ng martial law. Para sa mga Pilipinong tinitingnan ang martial law bilang isang madilim na kabanata ng ating kasaysayan, lalong masaklap na ang paggunita ay naganap habang nakaupo na sa pwesto si Ferdinand Marcos, Jr., ang anak ng diktador. Noong Mayo, ibinotong pangulo si Marcos Jr. ng 31 milyong Pilipino – higit sa kalahati ng lahat ng botante.
Syempre pa, naging kontrobersyal ang kahit anong pahayag ng pamilya Marcos tungkol sa martial law. Isa rito ang binitiwang salita ni Senador Imee Marcos, nakatatandang kapatid ng pangulo, sa isang vlog na tinawag nilang “Kalimutan mo Kaya.” Aniya:
“Hindi mo ikamamatay ang pagsuko, ang pag-move on, o ang pagpapalaya...Ganoon kasi kapag puro nakaraan, nawawalan ka ng kinabukasan!”
“Sabi nga mas mabilis gumaling ang sugat kapag hindi kinakalikot.”
Malinaw ang pahiwatig ng senadora kahit na kunyari pang nagbibigay sya ng payo sa pag-ibig. Ang patuloy nating pagbanggit sa martial law at paninigil sa kanilang pamilya – literal man on hindi – ay isang uri ng pagkakalikot. Ang implikasyon, matagal na gagaling ang sugat: Matagal bago tayo maghilom bilang sambayanan at mananatili tayong watak-watak. At dahil daw mahilig tayo sa pagbabalik-tanaw sa nakaraan, nakokompromiso ang ating kinabukasan.
Witty, sabi siguro ng kanilang mga tagahanga. Sa tingin ko, nakakainsulto at maling-mali. Ang daling magbitiw ng mga salitang hindi ikamamatay ang ganito at ganyan, samantalang noong mga panahong iyon, talagang napakaraming bagay, kahit mga simpleng bagay, ang maaring ikamatay. At ang pangmamaliit sa salitang “kamatayan” bilang bahagi ng expression ay pambabastos sa mga tunay na namatay at namatayan.
**
Noong Miyerkules, Setyember 21, sa Cine Adarna ng UP Diliman, itinanghal sa unang pagkakataon ang 11,103 – isang pelikulang nagsasaad ng kuwento ng ilan sa 11,103 biktima ng torture at human rights violations noong panahon ng batas militar na nakatanggap ng reparations – mula sa mga nabawing ill-gotten wealth ng mga Marcos – ayon sa Republic Act 10368 of 2013, o ang Human Rights Victims Reparation and Recognition Act.
Produksyon ito ni Kara Magsanoc-Alikpala. Direktor nito sina Jeanette Ifurung at Miguel Alcazaren.
Kung sinumang mangangahas magtanggi na may mga naging biktima ng human rights violations ang rehimeng Marcos, gising na. Hayan ang batas, hayan ang listahan, hayan ang naging mahigpit na proseso ng pagsusuri sa mga aplikasyon – at hayan ang bawat isang buhay na may nakaririmarim na kwentong masahol pa sa kung anong bunga ng imahinasyon.
Sabi pa nga sa dokumentaryo, higit sa 75,000 ang nagpasa ng claims para sa mga reparasyon. At hindi ibig sabihin na hindi totoo ang paghihirap ng higit 64,000 (75,000 minus 11,000) na hindi nabigyan ng kompensasyon – kinulang lang sila sa mga dokumento at iba pang patunay ng kanilang paghihirap. Bukod dito, siguradong mas marami pa kaysa 75,000 ang naghirap – marami pa ang hindi na nakaalam na may ganito silang pagkakataon, o may kakayanang magpasa man lamang ng aplikasyon.
Labing-isang indibidwal – sina Dra. Aurora Parong, Edicio Dela Torre, Cris Palabay, Hilda Narciso, Mariam Kanda, Madaki Kanda, Mohammad Kanda, Nemia Cabe, Enrequita Toling, Cecilia Viernes-Nuñez, at Purificacion Viernes – ang nagkuwento ng kanilang mga naranasan sa kamay ng estado. Tandaan: ang pinagdaanan nila ay hindi gawa ng mga walang-pusong mga sundalong nagkainuman at nagkatuwaan o isang heneral na nagpower-trip, kundi isang estadong nagbaba ng polisiyang parusahan sa kahit anong paraan iyong mga sumusuway at pumupula sa kinauukulan.
Ibinahagi ng ilan sa kanila ang mga nangyari sa Palimbang Massacre (1974) sa Tacbil Mosque sa Palimbang, Sultan Kudarat, at sa Las Navas Massacre (1981) sa Northern Samar. Ang ilan, hindi pa rin napigilang lumuha habang binabalikan ang mga dinaanan. Ang iba, hindi lang sila ang naging biktima – kasali na rin ang pamilya. Ibinahagi nila kung paano nila nailigtas ang sarili, at kung paano nila ipinagluksa ang sinapit ng kanilang kapamilya, kaibigan, kapitbahay, at iba pang kakilala nilang tuluyang namatay.
Ikinwento nila kung paano sila namuhay ng mga sumunod na taon at dekada.
Si Hilda Narciso, isang guro at manggagawa ng simabahan, ginahasa nang ilang ulit ng ilang sundalo. Kwento nyang isinuko na raw nya ang kanyang katawan – mabuti pa ang basahan at maari pang labhan-- at nagmakaawang patayin na lamang sya. Ngayon, sinisikap nyang tumulong sa ibang taong pagalingin ang sarili sa pamamagitan ng acupuncture, Reiki, at iba pang paraan.
Ikunulong si Dra. Parong matapos maakusahang nanggagamot ng NPA. May kapatid rin si Dra., isang batang-batang abogado noong panahong iyon, na naakusahan namang tumutulong sa mga taong may hinaing laban sa gobyerno. Natagpuan syang patay sa gilid ng kalsada.
Nag-move on na rin naman ako, ang sabi niya.
Pero hindi sila nakapako sa nakaraan. Araw-araw, hanggang ngayon, sinisikap nilang labanan ang bangungot habang sumasabay sa tuloy na pagdaloy ng buhay. Kasama sa pagharap sa kinabukasan, bitbit nila ang mapapait na karanasan at mga aral ng nakaraan. Walang saysay ang pag move on kung walang napulot mula sa nangyari na.
Ang mga aral nga sana ay ito: huwag nang hahayaang maulit ang ganitong klase ng pamamahala. Na huwag makilahok sa pagtapak sa karapatan ng iba para lang iangat ang sarili at makinabang sa kapangyarihan. Na bigyan ng tinig ang mga hindi makapagsalita para sa sarili. Na hindi magpagapi sa intimidasyon; bagkus ay sitahin ang mga nasa pwesto para gawin nang maayos ang trabaho nila.
At kung ikaw naman ang nasa kabilang banda ng kasaysaysan, na aminin sana ang mga kasalanan, magpakumbaba (sabi nga ni Atty. Chel Diokno), at ilaan ang buhay sa pagtama sa mga mali. Wala ka nang magagawa sa kung anong pamilya ka isinilang, pero may magagawa ka sa kung paano ka mamumuhay sa araw-araw.
Matagal-tagal pa nating makukuha nang tama ang mga aral na ito. Pero sa araw-araw na kinikilala natin na nangyari ang mga nangyari, na nagsisikap tayong matuto sa nakaraan, kahit kaunting-kaunti, basta umuusad tayo, ito ang tunay at makabuluhan na pag move on.
adellechua@gmail.com