Ang mundo ko, sana makita mo: Halina sa daigdig ni Fr. George

Following is a magazine feature I wrote for Filipino magazine sometime in 1997, when I was just out of college and writing under my then-editor, the late Rene O. Villanueva. I had just taken Th 141 the previous year under Fr. George Gorospe. He died in 2002.

**

May mga gurong nagpapari. May mga paring nagtuturo pa rin. Mayroon ding mga pari na guro na, dalubhasa pa sa napiling larangan – musika, agham, panitikan, pilosopiya, sikolohiya, at iba pa.

Isa si Fr. Vitaliano Gorospe, S.J. sa mga pari-guro-atbp ito. At tunay ngang kakaiba ang bahaging “atbp” ni Fr. George – sino nga ba ang mag-aakalang isang 72-taong gulang na pari ang may gawa ng mga modelong komunidad at miniature trains na matatagpuan sa puso ng Rizal Library sa Pamantasang Ateneo de Manila?

Mga simulain


Isinilang sa Sta. Catalina, Ilocos Sur noong ika-22 ng Setyembre 1925, pangalawa si George sa apat na magkakapatid. Bata pa lang siya ay kinakitaan na siya ng hilig sa pagbuo ng kung anu-ano. Armado ng buhangin, cardboard, papel, paper clip at kung anu-ano pang patapon, bumubuo siya ng mga barko, bahay, eroplano at tren. “Pero naputol ito lahat pagkatapos ko ng high school. Nag-umpisa na ang giyera, at lahat ng mga kaklase kong lalaki ay ni-recruit ng PMA.”

Hindi naging sundalo si George dahil malabo ang kanyang mga mata. “Pagkatapos ng giyera, halos lahat ng kaklase ko, namatay. Naramdaman kong may dahilan kung bakit ako nakaligtas. Nagpari ako.”

Bilang Heswita, di kalaunan ay naging guro na rin sa Ateneo de Manila College sir Fr. George. Nagturo siya ng pilosopiya. Naging chairman ng Kagawaran ng Teolohiya mula 1977 hanggang 1981. Sa kasalukuyan, itinuturo nya ang pamosong Th 141 o Theology of Liberation sa pamantasan, isang kursong kinukuha ng mga mag-aaral sa kanilang ikaapat na taon. Sa Th 141 “inaampon” ng ilang marginalized communities ang mga mag-aaral sa loob ng tatlong araw.

Bukod dito, di-iilang libro ang naisulat at naipalathala ni Fr. George. Panganay, at, aniya, isa sa kanyang mga paborito ang Cathechism of the Social Doctrine of the Catholic Church (1954). Kabilang na rin ang Banahaw: Conversations with a Pilgrim to the Power Mountain; Morality, Religion and the Filipino; Virgin of Penafrancia, Mother of Bicol; at ang pinakabago, and Forming the Filipino Social Conscience sa kanyang mga koleksiyon.

Sa ganito’y parang wala nang panahon pang natira para gumawa pa si Fr. George ng ibang bagay. Akala rin niya ay tuluyan na siyang nagpaalam sa libangan ng kanyang pagkabata.

Hindi pala. Noong 1986, nagkaroon siya ng double aneurism at sumailalim sa isang napakadelikadong open heart surgery. “Hindi ako makapagturo sa loob ng isang taon. Bagot na bagot ako.” Dahil dito, binalikan nya ang kanyang childhood passion – ang pagbuo ng mga modelo. Hindi lang naibsan ang pagkabagot ni Fr. George. Nagsilbi ring therapy ang muling binuhay na libangan na nakapagbilis sa pagbalik sa dati niyang kondisyon.

Ngayon, labing-isang taon pagkatapos ng kanyang operasyon, marami-rami na ring nalikha si Fr. George. Hindi na nya iniwan ang ganitong libangan. Siya na mismo ang gumagawa ng oras para maisingit ito sa mahigpit niyang schedule. Para sa kanya, ito’’y higit pa sa pagiging tagapalipas-oras at tagapaghatid-aliw lamang. Lapitan natin ngayon ang mga tao sa mumunting komunidad ni Fr. George, at pasukin natin ang kanyang mundo.

Close up

Pagtulak mo sa salaming pinto papasok sa ikalawang palapag ng Rizal Library Annex sa Ateneo, bubulaga sa iyo, sa gitna ng mesa’t silya at mga nakayukong ulo ng mga mag-aaral, ang isang parihabang diorama na nasa loob ng isang glass case.

Isa lang ito sa mga likhang pueblo ni Fr. George. Sa kaliwang bahagi ay isang gasolinahan. Sa gitna ay samu’t saring mga bahay at tao. May hamburger stand. May mga teenager na nagkakarerahan ng motor. Sa ibabaw ng isang tulay, may magsing-irog na nagyayakapan. Sa bandang kanan, may damuhan. Sa palibot ng mga detalyeng ito ay mga tunay na riles na syang binabagtas ng miniature trains. Kumpleto ang bayan – mula sa mga puno, bato, at kuwebang nilulusutan ng mga tren.

Hindi lang sa Rizal Library matatagpuan ang mga likha ni Fr. George. Sa Ateneo Archives ay makikita ang modelo ng Stonehenge na ginawa nya may apat na taon na ang nakakaraan. Sa Grade School Library at Ateneo Educational Media Center ay naroon ang mga helicopter, barko, submarine at vintage cars. May diorama ng Battle of Manila Bay, may Rusong speedboats, may battle scenes ng World War II. May mga barkong Aleman.

Subalit ang pinakamaganda nya sigurong likha ay nasa tahanan ng kanyang mga kaibigan kung kanino nya inihandog ang mga ito. Kay Fr. Assandas Balchand, isang Heswitang Indian, nagbigay siya ng modelo ng Bengal Lancer. Sa dati niyang estudyante na si Richard “Dick” Gordon, nagbigay sya ng modelong barko. Para kay dating Pangulong Corazon Aquino, gumawa sya ng diorama ng pagpaslang kay Ninoy, at ng Edsa revolution. Ang mga ito ay napabilang sa exhibit ng Malacanang tour noong mga panahong iiyon.

Pambihirang pasensya ang kailangan sa ganitong gawain. Kailangang pagbuhusan ng atensyon ang mga detalye kahit napakaliit ng mga ito. “Minsan, ang isang layag (sail) ay kumakain ng isa o dalawang araw,” kuwento ni Fr. George. At kahit na kinukuha nya ang kanyang mga gamit sa Orient Express Model Train Shop sa Shangri-la Plaza na pag-aari ng isang dating estudyante, kailangang pintahan ang mga tao at bahay – mula sa buhok, damit, bubong, bintana, at iba pa.

Sa mga detalye rin naisisingit ni Fr. George ang kanyang sense of humor. Sa Stonehenge, halimbawa, interesanteng makatagpo ng isang mamang nakatalikod – “Pinoy na Umiihi”—bilang pagpuna sa di-kagandahang gawi na dapat baguhin ng ilan nating kababayan.

Obra maestra

Bayaan mong akayin ka mismo ni Fr. George paakyat sa ikatlong palapag ng Rizal library – narito ang pinakabago nyang gawa, at ayon sa kanya, ito ang kanyang obra maestra. Dito, hindi sya gumamit ng mga material na nabibili na. Gawa ito sa scrap (maliban syempre sa mga tren) tulad ng mga unang-una nyang likha, noong kanyang kabataan.

“How big is your world?” – ito ang itinatapong tanong ng diorama. Sa isang gilid ay naroon ang mini-golf course, isang magandang gusali, malinis at kaaya-ayang paligid. Ito ang mundo ng maykaya. Sa harap ay ang pinakamalaking bandila ng Pilipinas, yaong inilagay sa Subic noong nagdaang APEC summit, na wari bang nagmamalaking loob sa paghahayag: Ito ang Pilipinas!

Ito nga ba ang Pilipinas? Sa di kalayuan, sa kabilang gilid, ay makikita ang dikit-dikit na bahay ng mga maralita – ang squatters’ area. Tulad ng mga naunang gawa ni Fr. George, kumpleto sa mga detalye ang bahaging ito, mula sa pinagtagpi-tagping barung-barong, mga damit na madaliang isinampay, mga pulubing namamalimos sa isang ma-traffic na kalsada, mga tricycle at jeep na pumapasada, hanggang sa puno ng niyog na inaakyat ng isang binata. Ikinukuwento ni Fr, George na ang mamang may itak sa ibaba ng punong inaakyat ng binata ay ang ama ng dalagang binuntis ng huli.

Ilang hakbang pa mula sa mga tauhang ito ay makikita ang paglalarawan ni Fr. George sa trahedyang nangyari sa Pampanga dulot ng lahar. Nasa dulong kanan ang simbahan ng Bacolor at ilang kabahayang pawing bubong na lang ang natira. Sa kabilang dulo ay naroon ang modelo ng Mt. Pinatubo, at sa paanan nito, ng isang komunidad ng mga Aetang pilit na binabalikan ang kanilang nakagisnang tahanan. Ang bahaging ito ng diorama ay natatabunan ng tunay na lahar – mga abong inuwi ng mga estudyante ni Fr. George na nag-immersion sa mga Aeta communities.

Oo. Ito nga ang Pilipinas. Nababahiran ng dalawang napaka magkaibang kulay. Animoý dalawang daigdig na hindi maaaring magtagpo o magpang-abot. Subalit magkatabi lang sila. Yun ang problema.

Isinasagisag naman ng mga riles na pumapaikot kapwa sa daigdig ng mayaman at mahirap ang natitirang hibla ng pag-asa. Sa bahaging ito, habang naisasaalang-alang ng timitingin ang mga ilaw sa mga tumatakbong tren, at ang mga ilaw na nagbibigay-liwanag sa golf course, higit na pumapaimbabaw ang mensaheng nais iparating ni Fr. George: Hindi dapat limitahan ang sarili sa ating komportableng mundo. May mga riles na maaring bagtasin upang mapagtagpo ang dalawang mundong ito at may mga treng maaring maglulan sa mga taong nais umabot ng kamay sa kapwa.

At dito pumapasok ang iba’t ibang mukha ni Fr. George bilang tao. Dito nabubuo at nabubuhay ang kaniyang isinusulat, itinuturo at ginagawa. Dito niya napapatunyang hindi lamang isang libangan ang paglikha ng mga modelo, at hindi lang laruan ang kanyang mg likha. “Kung gusto nila ng laruan, maraming toy shop sa Megamall. Sa bawat detalye ng aking diorama, sana ay mapahinto sila at mapag-isip.”

Tunay ngang nakakaaliw na pagmasdan ang mga detalye ng likha ni Fr. George.—ang mga maliliit na komunidad, tao at saskyang pinagtyagaan nyang likhain at pintahan. Lalo pa kung susndan ng paningin ang pag-usad ng mga tren at pagkurap kurap ng mga ilaw na nakapaligid dito.

Subalit kung maaaliw lang tayo sa pagmamasid sa mga ito, siguro nga, bulag lang tayo.

Previous
Previous

Mangahas tayong humugot

Next
Next

Pilgrimage