Mangahas tayong humugot
I delivered this talk during the In Certain Conversations segment of the 1st Philippine Copyright Summit, October 2021.
Magandang araw. Salamat at narito kayo.
Sa trabaho ko bilang mamamahayag, kailangang kailangan na alam mo ang nangyayari sa paligid. Hindi lang pamilyar -- kailangang may lalim ang kaaalaman mo sa mga kaganapan sa mundo, sa bansa, sa komunidad. Hindi ka lang aasa sa isang source o pagkukuhaan ng impormasyon. Alam mo dapat kung ano ang lehitimo at di lehitimo, and paktuwal mula sa propaganda. Palagi rin akong nakaabang kung sino ang magandang kausapin o tanungin sa mga bagay bagay, at kung saan nagmumula at ano ang motibasyon ng bawat isa. Lahat ito nakakatulong sa pagbuo ng kwentong katotohanan na ilalahad ko sa aking mga mambabasa.
Noong unang narinig natin ang "novel coronavirus" isang misteryosong organismo na kumakalat sa wuhan sa china nung mga katapusan ng 2019, isa lamang ito sa napakaraming balita na ang akala natin ay dadating at kusang lilipas din. Oo nakakabahala ang mga sintomas, kawawa ang mga tsinong nagkakasakit at namamatay, at ibang klase din ang mga naunang pagtatangka ng mga awtoridad na ikubli sa mga tao kung gaano kalala at kabahabahala ang sitwasyon.
Yon ang balita noon. Grabe. Matindi. Nakakatakot. Pero malayong malayo. Samantala, dito sa atin,tuloy ang buhay.
Alam na natin kung ano ang sumunod na nangyari.
Ilang buwan ang lumipas, hindi na ganoon kalayo itong virus na nagpalit na ng pangalan at tinawag nang Covid 19. Sinabi ng world health organization na isa na itong pandemya, na kumalat di lang sa isang syudad o bansa, kundi sa maraming kontinente. Nabalitaan natin na nakarating na dito ang unang naitalang kaso ng covid 19, at dito rin ang unang kaso ng namatay sa labas ng china. Pagkatapos ayan na ang balita tungkol sa cruise ship na diamond princess kung saan kumalat ang virus -- libong turista, oo, pero madami ding cruise ship workers na mga pilipino. Kasama sila sa mga na stranded sa dagat habang matamang binantayan ang pagkalat ng kaso sa barko.
Saksi tayo sa mga unang reaksyon ng ating mga opisyal sa virus. Hanggang naganunsyo na nga ng mga lockdown...at yung buhay na alam natin noon, nagbago sa malaking paraan, nang hindi natin inaasahan.
Nagsulat ako ng sanaysay para sa antolohiyang ito, ang In Certain Seasons. Nasa wikang ingles ang sanaysay, na pinamagatang Nest Never Empty. May apat kasi akong anak, malalaki na, at kinwento ko ang naging buhay namin sa ilalim ng ECQ, MECQ, GCQ. Hindi ba kasi, pag lumalaki ang mga bata, dapat lumilipad na sila, bumubukod na sa ina, gumagawa ng sariling buhay. Pero dahil sa COVID, hindi nangyari ito, bagkus, napilitan kaming magsama buong araw, araw araw, at binabalikan na lang namin yung kanya kanyang paglabas labas namin noon habang tila naka bitin sa kung ano ang magiging susunod na kabanata. Hindi pa makapag plano ni makapag imagine kung anong buhay ang naghihintay sa amin pagtapos ng pandemya. Paano na lilipad kung ni hindi nga makalabas ng bahay? Paano tutuparin ang ambisyon kung ang tanging layunin mo sa araw araw eh wag magkasakit, huwag mamatay, huwag mawalan ng hanapbuhay? Ang mas mahirap pa dito, walang kasiguruhan kung kailan matatapos ang pandemya.
Ngayon, mahigit isang taon matapos kong sulatin ang Nest Never Empty, kahit paano, mas madami na tayong alam. Nabakunahan na ang marami sa atin. Alam na natin na anupaman ang CQ o alert level, kelangan pa rin mag ingat. Pero alam din natin, ngayon higit 2.8 milyon nang kababayan natin ang nagkasakit, at higit 45 libo ang namatay, hindi pa aalis ang COVID. Walang back to normal. Walang resumption of old habits. Kailangan pag aralang mamuhay kasama itong virus na ito.
Sabi nga nung isang anak ko, na dapat sana ay nakararanas ngayon ng buhay kolehiyo, kami-kami na rin ang nagiging magbabarkada. Hindi na raw nya alam kung paano dadaan ang isang maghapon na ibang tao ang kasama nya at hindi kami. Oo minsan, nagkakainisan sa hiraman ng gamit, nag iiringan tungkol sa paghahati ng gawaing bahay, pero ganun naman talaga siguro sa bawat tahanan. Sa huli’t huli, naka-in your face sa iyo kung ano at sino ang tunay na mahalaga.
Dati, sobrang conscious ko na magpalathala ng mga sinulat kong may hugot sa personal kong buhay. Ginagawa ko na naman din ito pero palagi akong nag aalala na masabihang, paki ba ng mambabasa sa buhay naming mag-iina? May kinalaman ba sa mundo yang mga toxic kong mga pinagdaanan para mabawi ang boses ko bilang babae? E ano naman sa karamihan kung ano ano ang pinagkakaabalahan namin noong lockdown? Anong koneksyon ng mga pangarap namin, ng mga hinaing o takot, ng mga kwentong kakulitan namin sa araw araw?
Malaki ang koneksyon. Malaki ang pagkakatulad. At kahit may mga kaibahan, may kwento at may silbi ang mga pagkakaiba para lalo nating maunawaan ang bawat isa.
Tunay ngang napakayamang bukal ng katha ang lahat ng nangyayari, lahat ng balita sa paligid natin. Tunay ding madaming mapupulot sa pakikipag-usap sa ibat ibang tao, sa pakikinig sa iba’t ibang posisyon. Sa pagmamasid sa kung paano umiinog ang mundo.
Pero ngayong pandemic, napagtanto ko na higit kailanman, singyaman at singhitik din pagkukunan ng materyal ang ating inner world. Mga sariling kwento, alaala, obserbasyon, mga nangyayari sa iyo at sa mga taong malapit sa iyo kahit nasaan pa kayo at kahit anong konteksto pa ang ginagalawan ninyo. Marami nang nakapag patunay nito, mga higanteng pangalan sa panitikan na nauna na sa akin. Pero ako, ang takeaway ko ngayong pandemic, hindi na ako mangingiming tumingin papaloob. Hindi na ako mauubusan ng sasabihin. Hindi na ako mahihiyang humugot.
Gusto kong magtapos sa pagbanggit kay Ginoong Rainer Maria Rilke, at mga katagang sinabi nya sa Letters to a Young poet.
“If your everyday life seems to lack material, do not blame it; blame yourself, tell yourself that you are not a poet enough to summon up its riches, for there is no lack for him who creates, and no poor, trivial place. And even if you were in a prison whose walls did not let any sound of the world outside reach your senses - would you not have your childhood still, this marvellous, lavish source, this treasure-house of memories? Turn your attention towards that.”
Try to raise up the sunken feelings of this enormous past; your personality will grow stronger, your solitude will expand and become a place where you can live in the twilight, where the noise of other people passes by, far in the distance. – And if out of this turning-within, out of this immersion in your own world, poems come, then you will not think of asking anyone whether they are good or not. Nor will you try to interest magazines in these works: for you will see them as your dear natural possession, a piece of your life, a voice from it. A work of art is good if it has arisen out of necessity. That is the only way one can judge it.”
**
Susulat, hindi dahil gusto o walang magawa, kundi dahil kailangan. Salamat at may ganitong pangangailangan ang marami sa atin.
Ngayong lockdown, at kahit nag uumpisa nang magbukas uli ang maraming bagay – mall, paaralan, opisina, pampublikong sasakyn, ekonomiya, buksan din natin ang ating loob sa mga sorpresa. Mga bagay na wala sa plano, mga hindi inakala, mga hindi man lang na imagine. Lahat ito ay magsisilbing pataba sa buhay natin bilang manunulat, bilang indibidwal na hindi lamang nag survive o nag eexist, kung hindi isang taong nabubuhay, nagmamahal, nangangahas nang ganap.